Naiwan sa Batulao ang aking paa
Kaliwa at kanan, may iniwan sila
Himutok at pait, sugatan kong dibdib
Naiwan sila sa hagdanan ng langit.
Bawat hakbang pagbaba ng burol
Sa gilid ng bangin wari’y hinahabol
Tuluyang iniwan ang yapak ng puso
Mabigat, masakit, simpait ng apdo.
Pupunta ka rin ba sa bundok ng Batulao?
Tignan mo’ng paa ko kung tuyot na ng araw
Kapag nandun pa ang mga bakas doon
Marahil hindi pa naghihilom iyon.